Pages

Police Report

Friday, January 18, 2013

PRESIDENT BENIGNO S. AQUINO III’s SPEECH DURING THE TOP LEVEL FORUM OF HIGHER EDUCATION INSTITUTIONS IN MINDANAO

Garden Orchid Hotel, Zamboanga City, Zamboanga del Sur
January 16, 2013
01162013C

PRESIDENT BENIGNO S. AQUINO III
Sa nag practice pong Secretary Lualhati ‘Lu’ Antonino; Secretary Mar Roxas; Secretary Jun Abaya; ako naman po ang mag i-introduce sa lahat ng dignitaries dito. Obedient rin po ako, ako ang inutusan dito: Secretary Edwin Lacierda; of course, Deputy Speaker Beng Climaco; Congressman Erbie Fabian; Mayor Celso Lobregat; ARMM Governor Mujiv Hataman; Father Tony Moreno; Father Albert Alejo; National Youth Commission Commissioner Earl Saavedra; heads of Higher Education Institutions; members of the academe; fellow workers in government; honoured guests; mi querido con poblanos. With due apologies to my Spanish professors at the Ateneo de Manila, who hopefully will be retired and will not be watching this particular portion of the speech.

Eto ho talagang multi-lingual, balik tayo sa Tagalog pala ngayon. Mulat tayong lahat sa imahen ng Mindanao na matagal naitatak sa isipan ng marami: pugad ng hindi matapos-tapos na hidwaan at karahasan, pook kung saan naghahari ang iilan, habang habambuhay na nakagapos sa siklo ng kahirapan ang karamihan. Nananatili ang ganitong kalagayan sa Mindanao, hindi lamang dahil panay pagpapayaman at panlalamang ang inatupag ng mga dating namumuno, kundi dahil rin patuloy na nabalewala ang antas ng edukasyon at karunungan ng mga taga-Mindanao.

Bago ko ipagpatuloy itong talumpati, naalala ko lang ho yung debateng sinasabi ni Celso. Alam niyo, baka naman sabihin ng iba kailan ko na lang ho napansin ang Mindanao. Tama ho siya, nung 2001 may debate ho silang ginawa. Yung sinasabi ko ho sila dahil kami ho audience, yung parang hinihintay namin yung mga dalubhasa ng Mindanao, mga kinatawan niyo magtalakay nung panukalang mga amendment sa Organic Act of Muslim Mindanao. Hinintay namin ang resulta ng debate nila for—tama ba ako, 17 hours yata eh?—parang alas kuwatro ng hapon, natapos ng ala una y media kinabukasan ng hapon. So, sila lang ho ang nagdedebate dahil kami naman ho’y nag-aaral sa debate nila. Nung natapos po yung debate, nagkabotohan, lahat po ng nagdebate ng magdamag na yun, ang boto po nila “no.” So, ako po’y lumapit kay Lu Antonino, dahil senior ko po sa Kongreso. Sabi ko, Ma’am Lu, kako, pasensya ka na hindi ko maintindihan yung pinag gagagawa natin dito. Labimpitong oras tayo, actually, kayo nagdebate lahat pala kayo ayaw niyo yung produkto nung resulta ng debate niyo. Ano ba ang ginawa natin dito? Tapos pinaliwanag niya. Pero tapos na po yun. Ngayon naman ho ay sana pag nagtatalakay tayo may saysay at may patutunguhan tayo.
Paano naman matututong magbasa, sumulat at mag-isip ang mga kababayan natin kung—at ito po’y narinig na ng iba sa inyo—ghost bridge ang kanilang tatawirin para hanapin ang ghost school na papasukan para maturuan ng ghost teacher. Pihado po talagang ghost future din ang mamanahin ng ating mga kabataan. 

Sa kabila ng katakut-takot na kalagayang pinasan natin, hindi po tayo nalihis sa ating panata para sa Mindanao: kapayapaan, edukasyon, oportunidad, at mas matiwasay na kabuhayan sa tuwid na daan. Matapos ang dalawang taon at anim na buwan ng sama-sama nating pagkakapit-bisig, hindi maikakaila ang laki ng pagkakaiba sa Mindanao ng ating dinatnan noon, at sa Mindanao na talaga namang ipinagmamalaki natin sa kasalukuyan. At ngayon lalo pang naging aktibo sa pakikilahok ang mga Higher Education Institutions sa ating krusada tungo sa mapayapa't maunlad na Mindanao, higit pang tumataas ang ating kumpiyansa sa napipintong tagumpay ng ating mga kababayan.

Nagpapasalamat po tayo sa Ateneo de Zamboanga University sa kanilang inisyatiba na likumin ang mga kolehiyo't pamantasan mula sa iba't ibang bahagi ng bansa, at sama-samang humubog ng mga mekanismong magpapabuti sa kalagayan, hindi lamang ng Mindanao, kundi maging sa kalakhang bahagi ng lipunan.

Alam ho niyo nung mga dalawang gabi na po ang lumipas nagkataon po tayo makausap ang pinakamalalaking mga negosyante ng atin pong ekonomiya. Napag-usapan namin ang enerhiya. Sabi po nila sa akin, magkakaroon tayo ng surplus, at malapit na tayong magkaroon ng surplus sa kuryente. Sagot ko, sa Mindanao yata parang may surplus tayo, pero tanda ko nung pinag-uusapan natin ito sa Davao, 4 megawatts ang surplus. Eh pag nagsarado ho yung planta, dahil may routine maintenance, wala hong mababa sa 300 megawatts sa planta, so yung 4 megawatts ang tatakip sa 300 megawatts na mao-offline. Medyo ang nipis naman yata surplus nito. Pero ito hong negosyante, hindi ko na ho babanggitin, pero sabi ho niya sa akin, apat na grupong malalaking negosyante or apat na kumpanyang malalaki ang nagsabi sa amin: Sir, ang commitment namin sa iyo 3,000 megawatts. Sabi ko, sa—hindi ko lang naitanong—sa Mindanao lang ba yan?

Ang dunong ng usapan namin ngayon na baka kinakapos ang Mindanao sa kuryente hindi ho natatagal ang panahon na kung saan mag e-export ng kuryente ang Mindanao dahil sobra-sobra ang nandito. Commitment po nitong apat na negosyanteng ito. Ibig sabihin po nun kada magkita kami at hindi nila mapakita yung commitment nila eh sasabihin ko, eh paano ito saka na tayo mag-usap. So, tayo po’y mataas ang kumpyansa dahil yung mga kausap ho nating hepe nitong mga napakadambuhalang mga korporasyong ito ay talagang handa. Syempre sa tulong ng komunidad mangyayari po ito.
         
Kritikal po ang ginagampanang papel ng mga kolehiyo’t pamantasan sa pagpapalago sa mga produkto’t kaalaman ng kinabibilangan nilang komunidad. Ang nakakalungkot po sangkatutak na research papers na hindi napapakinabangan ang naitatambak sa mga library hindi naman ho pinupuntahan ng ating kabataan dahil wala nga ho saysay sa kanilang lipunan, milyun-milyong pondo ang ibinibigay para sa mga research and development ng mga produktong hindi naman likas na napapayabong sa kanilang lokalidad. Tuwang-tuwa po sila sa pagtitindig ng sarili nilang matayog na kastilyo, habang nakatingala at sobrang diskonektado ang mga nakapaligid sa kanilang mga pamayanan. Halimbawa po, at ito po’y natututunan ko sa isang napakahusay na propesor sa Bicol State University, at ang sabi po niya, dati puro mais at palay ang sinasaliksik ng mga pamantasan sa kanila pong lugar, pero ang  kanilang pangunahing kundi man kaisa-isang produkto kadalasan ay produkto ng niyog. Paano naman maibabalik sa komunidad ang santambak na mga research papers kung nakababad lang sa mga lumang pag-aaral ang mga institusyon? Dahil nga sa mga gasgas at de-kahon na pag-aaral, kumakapal nga ang curriculum vitae ng kanilang mga dalubhasa, pero nakinabang ba ang komunidad na kinabibilangan nito? Syempre ang sagot po—hindi. Pinag-aralan palay at mais, ang produkto niyog, mahirap hong i-translate. Tama po ba?

Kaya naman saludo po tayo nga sa pagsisikap at pagkamalikhain ng isang eksperto mula nga po sa Bicol State University, si Dr. Justino Arboleda. Isinulong niya ang pagsusuri sa niyog at paano pa mapapalago ang paggamit sa produkto ng niyog lalong-lalo na sa paggamit ng tinawag niyang coco coir fiber bilang mabisang kasangkapan para pigilan ang pagguho ng lupa para mag line ng mga landfill, maghinto ng desertification at marami pang ibang paggagamitan nito. Dahil sa pagsusumikap ni Dr. Arboleda, nakatipid ang DPWH at ang sambayanan ng bilyun-bilyong pisong pondo para sa slope protection at soil erosion control. 

Sa kasalukuyan, may animnapu't dalawang road projects mula sa labingdalawang rehiyon ang gumagamit ng coconet para maiwasan ang pagguho ng lupa, habang umangat rin ang bilang ng mga coco coir community-based processing centers mula labing-anim noong 2011 hanggang sa limampu nitong 2012. Dati nagtitiis tayo sa mas magastos at madaling masirang teknolohiya.

Ngayon, gamit ang mas murang coco coir fiber, mas matibay ang ating slope protection, mas nakikinabang ang ating mga lokal na komunidad, at talagang nakakatulong tayo para pangalagaan ang ating kalikasan. Ayon nga po kay Secretary Babes Singson, sa sobrang in-demand ng produktong ito, at dahil ine-export na ang ating coco coir sa maraming bansa, magugulat po kayo, kasama na dyan ang Japan, China, Germany, Amerika  at iba pang bansa. Minsan po, actually, sa sabi nung writer ko, minsan tayo ang nauubusan ng supply ng coco coir. Ang sabi po sa akin kamakailan wala na raw tayong coco coir, na-export na. Kaya iyon po ang dahilan kung bakit dapat palaguin din natin ang ating coconut industry. Naging posible po ito dahil sa dedikasyon ng isang tao, hindi para pakapalin ang kaniyang credentials at maging makasarili, kundi para matiyak na ang kaniyang mga sinaliksik ay magkaroon ng positibong ambag sa buhay ng kaniyang mga kababayan.

Hihingi ako o samantalahin ko na yung pagkakataon makausap kayo, dagdagan ko lang hong konti ano. So, yung unang produkto kinukuha ho doon sa husk yung fibers, yun ang ginagawang coco coir, habang pino-process po niyo ‘to may dust o may pulbong napo-produce, ang tinawag po nilang coco peat, nage-enhance po ng ating lupa. Yung syempre pinagtawanan po ako nung galing ako ng Amerika at sinabi ko ang laki ng demand para sa coco water mula daang libo. Ngayon po’y last time ko tinignan yung report nasa 11 million liters of coconut water na po ang ine-export natin. Sinabayan pa nung isang article nabasa ko sa Economist magazine, kung di ako nagkakamali, kung saan namomoblema na po yung nagsu-supply ng coconut water sa pandaigdigang pangangalakal dahil kulang ang supply. Ang Pilipinas po at saka Indonesia, Thailand ang mga pangunahing nagsu-supply, at yun nga hong nandito sa atin ang pinakamalaki ay hindi na siya maka-commit ng dagdag na merkado dahil nga pinoproblema ang supply.

So, uulitin ko lang po ano yung coconut, the tree of life, ay talaga namang parami nang parami ang paggagamitan. Marami tayong avenues na maidagdag sa kakayahan ng ating magsasakang paangatin ang kanyang buhay at nagmula po ‘to dahil nga nagtanong ang isang Propesor Arboleda na bakit ba tayo nag-aaral na walang saysay sa komunidad natin? Sinalin sa sarili, pinapakinabangan ngayon ng kanyang komunidad.

Ito mismo ang batayang prinsipyo ng malasakit na nais kong makita mula sa ating mga institusyong pang-edukasyon. Wala pong duda sa ibinubuhos na pagsusumikap ng pamahalaan para pasanin ang mga hinaing ng mga kababayan nating nahihirapan dito sa Mindanao. Sa pakikipagtulungan ng bansang Australia, 3.93 bilyong piso po ang pondo para sa Basic Education Assistance for Muslim Mindanao, isa pong pet project at priority project ni Governor Hataman na baka mas kilala niyo sa ngalang BEAM-ARMM.

Pundasyon po ito ng ating mga kabataan mula kinder hanggang sa technical-vocational training ng mga out-of-school youth sa limang probinsya't dalawang lungsod sa katimugang bahagi ng atin pong bansa. Mahigit 1,482,100 na kabahayan na rin ang nakarehistro sa ating Pantawid Pamilyang Pilipino Program mula sa Mindanao. Sa kanila napunta ang 11.63 bilyong pisong pondo para iligtas sila mula sa kumunoy ng kahirapan. Malinaw po sa mga proyektong ito ang patuloy na pangangalaga ng pamahalaan sa kapakanan ng mga kababayan natin dito sa Mindanao. Subalit mas magiging epektibo ito kung handa rin ang ating mga institusyon para makisagwan tungo sa katuparan ng ating mga adhikain. Samantalahin po natin ang kakaibang kumpiyansa ng mundo sa Pilipinas; samantalahin po natin ang kumakalat na kapayapaan at kasaganahan sa buong Mindanao sa tuwid na daan.

Madalas po tayong may nakakasalamuhang mga personalidad na may maigting na adbokasiyang isinusulong, at wala pong masama rito. Subalit kapag sarado po ang isip natin, at hindi tayo bukas sa iba pang punto-de-bista, ipinagdadamot din natin ang pagkakataon na makabuo ng solusyong akma at makabubuti sa lahat. Kung talagang gusto nating umusad ang ating bayan, handa rin dapat tayong makilahok sa patas na diskurso, at hindi puro sarili lang natin ang ating pinapakinggan. Pumanig po tayo sa mga handang makiambag at makilahok; hindi sa mga reklamo nang reklamo pero wala namang inaalok na solusyon.

Nag-uumapaw po talaga tayo sa mga likas na yaman, gayundin sa kaliwa't kanang oportunidad, subalit wala na pong mas mabisa at mahalaga pang bukal ng lakas ang ating bansa kundi ang taumbayan mismo: mga Pilipinong may sipag, may talino, at may kakayahang itimon ang kanilang kapalaran tungo sa buhay na kanila talagang inaasam.

Kaya naman umaasa po akong lahat ng paksang tatalakayin ninyo sa pagtitipong ito ay nakatutok sa ikabubuti ng kapakanan ng mga kababayan natin mula man sa Luzon, sa Visayas o sa Mindanao. Napipitas na nga po natin ang mga bunga ng pagtahak sa tuwid na landas, at umaasa akong hindi po kayo magpapalihis sa mga ingay at negatibismo ng ilang nais lamang tayong ibalik sa malubak na nakaraan.

Makiisa lang po tayo sa agenda ng pagbabago, gampanan lang natin ang ating mga tungkulin bilang mabuting Pilipino, at ipagpatuloy ang pagpupunla ng dunong, kakayahan, at pagsasanay sa ating mga kababayan upang ang kinabukasan natin ay ‘di hamak na mas maganda at mas mayabong  kaysa sa ating nakagisnan.

Bago po ako magtapos, alam ho niyo gusto ko lang i-share sa inyo yung good news. Well, first of all, talagang natutuwa ako nakabalik ako dito sa Zamboanga, pagkatagal-tagal na po tayong iniimbita ni Beng at nauna pong nadala yung curacha bago ho ako nakabalik dito. Yun naman po ay hindi dahil sa ayaw kong bumalik dito, talagang hindi ho magkatugma-tugma yung ating schedule, at yung aking pakiusap sa PSG na kailangan makadalaw tayo ngayon, kaya nandito na ako ngayon. Talagang itong hotel na pinagdadaluhan natin ‘tong meeting na ‘to, sabi ko alam ko yan ah, natulog ako dati dyan. Pagdating ko sa airport kanina, kako iba na yung hotel ah, ang laki na bigla rito ah. So, one year na raw ho pala ‘to.

Yung siguro ano bang simpleng paliwanag nasaan na ba tayo ngayon? Yung pinakamabilis hong indicator ng ating ekonomiya sinasabi kadalasan yung stock market, okey. Paalala ko lang, madaming venue siguro ko na sinabi ‘to,  dati ho 4,000 na level nung Philippine Stock Exchange Index ay parang, parang ceiling, aabot kapiraso baba kaagad. Ngayon ho nasa 6,000 na tayong level—6,100 yung huling binalita sa akin. Asan na ba tayo, 60? Edwin, ikaw ang nagre-record, 68?

More or less 68, mga 67 time sinira yung record. Yung hindi pa ho tayo…
hindi pa ho tayo investment grade, sabi ng mga credit ratings agency. Sila ho kasi conservative, napaso sila nila nung Lehman Brothers, pero pinauutang na tayo ng mga financial institutions investment grade level na. Ibig sabihin po nun kung kailangan natin pantustos sa ating deficit nakukuha natin mas mura, dahil mas mura  mas konting interest na binabayad, medyo mas malayo ang inaabot ng bawat piso sa kaban ng bayan. Sabayan pa natin ng matinong paggugol nito tulad ng nangyari nga ho sa example natin dito po sa Araneta Avenue sa Quezon City. Araneta Avenue at saka Quezon Avenue parati hong traffic gumawa sila ng underpass. Nung unang inestimate yung project nung ating pinalitan 690 million ang kailangan na ho dyan. Sabi ni Secretary Singson, parang masyadong malaki yata yan, sinubukan nilang bawasan lahat ng palagay nilang maling gastos naging 500 plus million.

Nung actual na pina-bid out natapos yung proyekto 430 million na lang po ang talagang ginastos at 100 days in advance natapos yung proyekto. Ngayon ho talagang umuusad, talagang umaabante ang ating pakikipag-usap sa MILF. Talaga naman pong na-demonstrate na nila ang kagustuhan nilang magkaroon tayo ng kapayapaan. Pagkakataon na ho natin itong ilagay yung environment na tinatawag kung saan magkakaroon ng pagkakataon na talagang imbes na maghatakan tayo pababa ay talagang magkatulungan tayo paangat, hindi ba? Oportunidad lahat ho ito, at bakit ko ho nabanggit lahat sa inyo ito? Pinaalala sa akin nung aking Assistant Secretary, si Jun Delantar, nung nagpunta kami nung kampanya dito sa Zamboanga, dito raw po niya unang nadama panalo na tayo.

Ilang oras nga ba tayo Beng dun sa motorcade? Basta inimbita namin sila ng hapon nagkita-kita kami gabi na doon po sa ating rally. Ngayon, lahat ho nung mga nakasama natin noon at kasama pa rin natin ngayon nangahas. They dared to dream, they saw the situation and they said, this is wrong. They refused to give up, they took up the challenge, and we are where we are now because people dream and worked on their dream. There is no limit to where we can go to so long as we have faith in God and so long as we continue to dream and believe in the capacity, in our capacity or collective capacity, to take care of each and everyone. That is the essence of where we have to go to and how we will get there. We are responsible for our fellowmen.

Thank you. Good afternoon. 

No comments:

Post a Comment